Wala akong pansariling problema. Mga problema ng mga OFW o mga kababayan nating manggagawang migrante dito sa Taiwan ang nilulutas ko. Napakasaya ko kapag tutulog na ako ng 9:00 pm....ahhhh, ang sarap humimlay, ang sarap matulog, payapa at tahimik ang gabi, ang lambot ng kama. Pagkatapos ng panggabing panalangin, unti-unti na akong makakatulog habang inaalala ko ang mga pumanaw kong magulang...ang mga kapatid kong nasa iba't ibang bansa na rin...ang mga kaibigan ko...ang mga eksena sa iskwelahan...ang bahay namin sa San Pablo City...ang magandang Pilipinas!
Masigla akong gumigising ng 6:00 am para sa pang-umagang panalangin ng 6:30 am, misa ng 7:30 am kasama si Fr. Jeane-Pierre Richard MEP, at almusal ng 8:00 am. Pagsapit ng 8:30 am, nakaupo na ako sa aking opisina, ang Catholic Migrant Chaplaincy Of Hualien (CMCH) para sa buong araw na paglilingkod sa Diyos at sa mga kababayan nating manggagawang migrante. Sari-sari ang kanilang problema na idinudulog sa aking opisina---violation of contract, illegal salary deduction, no day-off, erroneous tax computation, maltreatment, at iba pa. Matiyaga kong nilulutas ang bawat kasong idinudulog o itinatawag sa akin. Nakikipag-ugnayan ako sa Philippine mission office o ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) at sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaang Taiwan gaya ng Council for Labor Affairs (CLA) at National Immigration Agency. Kapag wala masyadong ginagawa, nagpe-Facebook ako para kumonekta sa mga dating kaklase at estudyante, hehehehehehehe...
Pagsapit ng 5:00 pm, lumalabas ako para mag-jogging, namamasyal ako sa tabing-dagat upang magmuni-muni, o kaya, nagsu-swimming sa Tzu University Sports Complex, o kaya naman, dumadalaw sa mga mangagawang Pilipino sa mga marble factory. Pagsapit ng Sabado, hiking naman sa bundok o nature viewing sa Liyu Lake. Tuwing Linggo naman, inaasikaso ko ang mga OFW na sumisimba dito St. Paul's Catholic Church sa araw ng kanilang day-off. May meeting, seminar, labor forum, peer counseling, Marian cenacle, daldalan, kwentuhan, kainan, tawanan…ha-ha-ha-ha-ha-ha-ha!
Minsan isang buwan, pumupunta naman ako sa Taipei City para dalawin ang kapatid kong si Baby na information officer ng Food And Ferilizer Technology Center. Madalas kaming mag-food trip, kumain sa iba't ibang lugar lalo na sa buffet restaurant.
Maligaya ang buhay ko dito sa Taiwan. Maligaya ako dahil sa pag-ibig…INIIBIG KO ANG DIYOS AT ANG MGA KAPWA KO TAO.