Friday, April 11, 2008

Ang NOLI ME TANGERE


Ang nobelang Noli Me Tangere o "Huwag Mo Akong Salangin" ay sinulat ni Dr. Jose P. Rizal mula Disyembre 1884 sa Madrid, Espanya hanggang mapalimbag ito noong Marso 29, 1887 sa Berlin, Alemanya. Inihahandog ni Dr. Rizal ang nobela sa kanyang Inang-Bayan.

Sa nobela, itinatambad o ipinakikita ni Dr. Rizal ang mga sakit o kanser ng lipunan na bumubulok sa sambayanang Pilipino. Tinatalakay at inilalarawan ni Dr. Rizal sa nobela ang mga suliraning sosyo-kultural o ang mga kahinaan at kapintasan ng lipunang Pilipino noong huling bahagi ng ika-18 siglo gaya ng mga sumusunod:

1. kamangmangan
2. katamaran
3. pagwawalang-bahala
4. pagkalulong sa masamang bisyo kahit sa gitna ng kahirapan
5. paglulustay ng pera sa walang-kabuluhang pagsasaya
6. nakaaalipustang pagyuko sa karuwagan at pagpapahintulot na maapi
7. paniniwala sa mga pamahiin at pagkakaroon ng huwad na pananampalataya
8. mababang pagtingin sa sarili at mataas na pagtingin sa banyaga o isipang kolonyal

Bilang isang tagapagreporma ng lipunan, ang ipinakikitang solusyon ni Dr. Rizal sa mga suliraning sosyo-kultural na ito ay ang pag-angat sa antas ng karunungan ng mga Pilipino at pagtatamo ng tunay na edukasyon. Mahihiwatigan ito sa layunin ni Crisostomo Ibarra, ang pangunahing tauhan, na makapagpatayo ng isang paaralan para sa mga kabataang Pilipino.

Kinakatawan ng iba't ibang tauhan ang maraming katotohanan hinggil sa lipunang Pilipino. Kinakatawan nina Crisostomo Ibarra, Maria Clara, Pilosopong Tasyo at Elias ang mga katangian at kaisipang makapagbibigay-lunas sa mga suliranin ng bayan. Kinakatawan naman nina Padre Damaso at Padre Salvi ang mga puwersa ng simbahang Katoliko na nagpapanatili at nagpapasidhi sa mga sakit ng lipunan. Kinakatawan naman ni Tinyente Guevarra, ng Alperes at ng Kapitan Heneral ang pamahalaang sibil-militar na mistulang inutil at sahol sa kapangyarihan upang makapagpatupad ng mga tunay na pagbabago sa lipunan. Kinakatawan nina Kapitan Tiyago, Donya Victorina, Donya Consolacion, Lucas at Pedro ang sari-saring kapintasan at kahinaan ng mga Pilipino. Kinakatawan naman nina Sisa, Crispin, Basilio at Kapitan Pablo ang malungkot at kalunus-lunos na kaapihang dinaranas ng marami sa lipunan.

Trahedya ang katapusan ng nobela. Hindi natuloy ang pagpapatayo ng paaralan; hindi natuloy ang kasal nina nina Crisostomo Ibarra at Maria Clara; nakulong si Crisostomo sa paratang na pamumuno sa rebelyon ngunit nakatakas sa tulong ni Elias; nabaril si Elias ng mga tumutugis na guwardiya-sibil at namatay sa libingan sa gubat.

Bago namatay si Elias, sinambit niya ang mga katagang ito na nagpapahiwatig sa malungkot na kalagayan ng bayan, "Mamamatay akong hindi nakita ang pagsikat ng araw sa aking bayan. Kayong makakakita ng bukang liwayway, salubungin ninyo ito pero huwag ninyong kalilimutan ang mga namatay sa dilim ng gabi.”