Friday, July 4, 2008

LARAWAN NG MAKABAGONG BAYANI



(Binigkas ko ang talumpating ito noong ika-12 ng Hunyo sa pagdiriwang ng ika-110 anibersaryo ng Pagpapahayag ng Kalayaan sa bayan ng Nagcarlan, Laguna. Inimbitahan ako ng kaibigan kong si G. Rino Umali, tagapamahala ng programa, na bumigkas ng talumpati bilang bahagi ng pagdiriwang sa kanilang bayan.)



Noong nakaraang Martes, muli na naman pong nabuksan ang pintuan ng mga paaralan para sa ating mga guro at mag-aaral. Para sa mga bagong saltang estudyante sa Unang Baytang, ang pagpasok sa paaralan ay tunay ngang "unang hakbang para sa kinabukasan." Eh, ano naman kaya ang una nilang natutunan sa unang hakbang nilang iyan? At sa unang pahina ng kanilang mga notebook ay ano naman kaya ang nilalaman? Bilang isang dating guro, interesado akong malaman.

Bweno, heto po ang unang natutunan ng marami sa ating mga mag-aaral. Sa notebook na ito na pang-grade 1, nakabalandra ang larawan ng mga artistang kapamilya na sina Nikki Gil, Mat Evans, Shaina Magdayao, Jake Cuenca at Angel Locsin. Sa notebook namang ito ay nakabungad ang mga Pinoy superpowers na sina Mark Herras, Jennilyn Mercado, Dennis Trillo, Nadine Samonte, Dingdong Dantes, Sunshine Dizon at iba pang artistang kapuso. Tingnan ninyo nga naman.

Kaya kahit hindi pa naisusulat ng mga mag-aaral sa unang baytang ang kanilang pangalan ay tila ba pamilyar na sila sa pangalan ng mga artistang kanilang hinahangaan. At bago pa man sila maging pamilyar sa hawi ng buhok at bigotilyo ng bayani nating si Dr. Jose Rizal ay iniidolo na nila ang hitsura at hilatsa nina Richard Gutierrez at Piolo Pascual.

Ang talamak na pag-iimprenta ng larawan ng mga artista sa mga notebook ng mga mag-aaral ay napansin na rin po ng mga opisyal ng Department of Education. Hindi naman ito ipinagbabawal ng batas ngunit higit sanang makatutulong sa paghubog ng kamalayan at pagpapahalaga ng mga kabataan kung ang una nilang mabubungaran at palaging mabubungaran sa tuwing iaangat nila ang mga pahina ng kanilang notebook ay larawan ng ating mga bayani ng lahi. Higit na kapakipakinabang para sa ating mga mag-aaral, at para na rin sa ating lahat na makilala ang mga bayani natin, matutunan sa isip at puso ang mga nagawa nila para sa bayan, at maisabuhay ang kanilang mga ginintuang halimbawa. Sila ang mga bayaning nagtaya ng sariling buhay upang mapagwagian natin ang kalayaan at kasarinlan ng bansa na ipinagdiriwang natin ngayon. Tinahak nila ang daan ng paglilingkod sa bayan tungo sa pagtatatag ng isang malayang Republika. Dahil dito, ang mga pangalan nila ang ipinangalan sa marami nating daan, kalsada at lugar bilang parangal sa kanila at para lagi natin silang matandaan.

Halimbawa, sino pong bayani ang dapat nating alalahanin kapag pumupunta tayo sa Quezon City? Naturalmente, si dating Pangulong Manuel Luis Quezon. Siya ang Ama Ng Wikang Pambansa at isang makabayang tagapaglingkod na nagpunyagi, kasama si Dating Pangulong Sergio Osmeña, Sr. para sa pagtatatag ng isang malayang Republika ng Pilipinas.

Pero bago po tayo makarating sa Quezon City, dumaraan muna tayo sa EDSA, hindi po ba? Ngayon, sino pong bayani ang dapat nating alalahanin kapag dumaraan tayo sa EDSA? Si Epifanio De Los Santos po at Epifanio De Los Santos Avenue ang ibig sabihin ng EDSA. Si Epifanio De Los Santos ay isang makabayang intelektwal, manunulat, makata at patriotong opisyal ng pamahalaan noong panahon ng Amerikano.

Sa EDSA, dinaraanan po natin ang Camp Aquinaldo, ang headquarter ng Armed Forces Of The Philippines, at ang Camp Crame, ang headquarter naman ng Philippine National Police. Ang tanong: kanino po natin ipinangalan ang Camp Aguinaldo? Aba, hindi po natin dapat kalimutan na ipinangalan ang Camp Aguinaldo kay dating Pangulong Emilio Aguinaldo, ang Pangulo ng Unang Republika Ng Pilipinas, at ang nagdeklara ng Kalayaan ng Pilipinas sa balkonahe ng kanyang mansyon sa Kawit, Cavite eksaktong isandaan at sampung taon na ang nakakaraan ngayon.

Pero kanino naman po natin ipinangalan ang isa pang kampo sa EDSA, ang Camp Crame? Para sa kabatiran ng lahat, ipinangalan po natin ito kay Brigidier General Rafael Crame, ang magiting at makabayang sundalo na naging unang Pilipinong hepe ng Philippine Constabulary noong 1917.
Utang po natin mula sa serbisyo ng mga bayani ang kalayaan at kasarinlan ng ating bansa---kay Dr. Jose P. Rizal na sumulat ng walang kamatayang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo; kina Emilio Jacinto at Andres Bonifacio, mga tagapagtatag at lider ng Kataas-taasan, Kagalanggalang na Katipunan ng Mga Anak ng Bayan; kay Apolinario Mabini, ang dakilang paralitiko at Utak Ng Rebolusyon; at kay dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino, Jr., ang martir na nagpabagsak sa diktaduryang Marcos.


Ganting-bayad naman po natin ngayon na mag-ukol ng ating serbisyo sa Republika upang mapanatili at maging ganap ang tinatamasa nating kalayaan na pinuhunanan ng dugo at hininga ng ating mga bayani. Dapat nating ipagtanggol at pagyamanin ang kalayaang ito tungo sa ating ganap na pag-unlad. Kaya nga ngayong ikaisandaan at sampung pagdiriwang ng Araw Ng Kalayaan, ang tema ng pagdiriwang natin ay REPUBLIC SERVICE, TUNGO SA GANAP NA KALAYAAN AT KAUNLARAN. Nagampanan na nina Rizal, Bonifacio, Jacinto, Aguinaldo, Mabini, de los Santos, Quezon, Osmeña, Crame, Aquino, Jr. at iba ang kanilang kabayanihan, serbisyo at pagpapalaya sa bayan. Ngayon naman ang pagkakataon natin para gampanan ang ating kabayanihan at serbisyo sa ating republika at sa ating kapwa Pilipino para may maipamana tayong ganap na malaya at maunlad na Pilipinas sa susunod na henerasyon.

Sa mga sandaling ito, maaaring may ilan po sa inyo ang nais magtanong sa akin---"Eh, paano tayo makakapagserbisyo sa republika?....Sa hirap ng buhay ngayon, aba'y sarili ko muna ang seserbisyuhan ko...At sa gitna ng talamak na katiwalian sa pamahalaan, may bisa at pakinabang pa kaya ang aking serbisyo?" Isa itong makatwirang tanong at puna na tanging sarili natin ang makasasagot. Sa ganang akin, nasagot ko na sa sarili ang tanong na ito at sa aking paniniwala, napakarami pong paraan para pagserbisyuhan ang bayan, maliit man o malaki, hayag man o lihim, nasa Pilipinas ka man o nasa ibang bansa.

Sa kasalukuyang panahon, may tinatagurian tayong mga "bagong bayani," ang mga Filipino overseas contract workers na hataw sa pagkayod bilang tagapag-alaga o caregiver, katulong, manggagawa sa pabrika, nurse at seaman na matatagpuan saanmang lupain at karagatan sa buong mundo. Sila ang mga O.F.W. na nagsasakripisyo at nagtitiis ng hirap sa ibang bansa para lamang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya dito sa Pilipinas. Bilang resulta, ang perang mula sa katas ng kanilang pagod ay nakatutulong nang malaki sa pag-angat ng ating ekonomiya. Marapat nga silang tawaging "mga bagong bayani" dahil mula sa kanilang sakripisyo ay nagagawa nilang palayain ang bayan mula sa kahirapan, ngunit kapalit naman ito ng pagkaalipin at matinding paghihirap ng marami sa kanila.

Saksi ako sa matinding paghihirap na iyan ng ating "mga bagong bayani" sa ibang bansa. Isa po akong missionary catechist o tagapaglingkod ng simbahan sa St. Paul's Catholic Church sa Hualien City, Taiwan Republic of China. May programa po ang St. Paul's Catholic Church na tumutulong sa mga naghihirap at naaalipin nating O.F.W. sa dakong iyon ng Taiwan---ito po ang FILIPINO CATHOLIC COMMUNITY APOSTOLATE o FCCA, isang non-governmental organization o N.G.O.. Ako po ang kasalukuyang tagapamahala o direktor ng naturang programa na tumutulong sa mga kababayan natin doon doon na inaalipin, inaabuso, minamaltrato at pinagtatrabaho nang sobra-sobra ng kanilang employer; at dinadaya, ginugulangan at pineperahan ng kanilang broker.

Kamakailan lamang po, isang bentesingko anyos na Pilipina ang aking natulungang makalaya mula sa kanyang abusadong employer at tusong broker. Siya po si Maridel Garabeles, isang "bagong bayani" na umuwing "duguang bayani" sa kanyang bayan sa Asingan, Pangasinan. Tipikal na kuwento ng isang O.F.W. ang kanyang istorya. Para makapagtrabaho sa Taiwan bilang isang caregiver, nagbayad siya sa recruitment agency ng mahigit na isandaang libong piso bilang placement fee. Pagdating sa Taiwan, pinagtrabaho si Madel ng kanyang broker sa iba't ibang employer hindi bilang isang caregiver gaya ng nasa kontrata kundi bilang katulong sa restaurant mula madaling-araw hanggang tanghali, all-around katulong sa bahay, tagamasa o tagagawa ng mantou o siopao sa hapon, at tagabuhat ng mga paninda sa tindahan ng mga appliances sa gabi. Matutulog siyang ang katawan ay bugbog, maging ang kaluluwa ay lamog. Wala siyang day-off, bawal gumamit ng cellphone at hindi siya pwedeng makipag-usap sa kapwa Pilipino. Sa kanyang sulat na lihim na naipuslit sa akin, sinabi niya, "Kuya, wala na akong inaasahang makatutulong sa akin kundi ikaw...at ang Diyos."

Lubhang pong mahaba, masalimuot at mapanganib ang ginawang pagliligtas at pagpapalaya kay Madel ng inyong lingkod katulong ang ilang Pilipinong mayroon ding ginintuang puso sa Taiwan. Kaya naman hindi mailarawang kaligayahan ang aking nadama nang narinig ko ang tinig ni Madel nang tinawagan niya ako noong ika-25 ng Abril mula sa Asingan, Pangasinan---"Kuya, narito na ako sa Pilipinas. Maraming-maraming salamat sa iyo, Kuya. Maraming salamat sa Diyos."

Masarap pong tumulong sa kapwa. Nakalulugod ang makapagdulot ng ginhawa sa mga taong nagdurusa. Kasiya-siyang maglingkod at magserbisyo nang may pagmamahal sa kalahi at kalipi. Nakaliligaya ang maging instrumento ng pagpapalaya sa mga kapwa Pilipinong biktima ng pang-aalipin at pang-aalila. Gayunman, nakalulungkot isipin na ang isang malinaw na indikasyon na hindi pa ganap na malaya ang ating bansa ay ang pangingibang-bansa ng maraming Pilipino upang makahanap ng ikabubuhay sa pamamagitan ng pagpapaalila sa mga banyaga.

Sa ating lipunan, ang bawat isa ay nakatanikala sa isang uri ng pagkaalipin na naghuhumiyaw ng paglaya. Gayunman, ang bawat isa rin sa atin ang may kakayahang lumagot sa tanikalang iyan. Sa inyo po, mga mapagmahal na guro, ang inyong mapagkalingang kamay at puso ang magpapalaya sa marami nating kabataang alipin ng kamangmangan at kawalang-direksyon sa buhay. Sa inyo po, masisipag na kawani ng pamahalaan, ang inyong mapag-asikasong asal at masiglang pag-agapay sa publiko ang magpapalaya sa marami nating kababayang alipin ng mga pang-araw-araw na intindihin at asikasuhin sa buhay. Sa inyo po, mga senior citizens, ang inyong karunungang pinanday ng panahon ang magpapalaya sa mga kababayan nating alipin ng mga lihis na paniniwala at lisyang pangangatwiran. Sa inyo po, mga magiting na beterano ng digmaan, ang inyong katapangan at inspirasyon ang magpapalaya sa mga kapwa natin Pilipinong alipin ng karuwagang makisangkot at kawalang-tapang na makipaglaban para sa pangkalahatang kagalingan. Sa inyo po, mga makikisig na peace and order volunteer at miyembro ng kapulisan, ang inyong dalisay na layunin at kahandaang maglingkod ang magpapalaya sa mga kapatid nating alipin ng pasaway na pag-iisip at walang-disiplinang pakikipamuhay. Sa inyo po, mga pinagkakatiwalaang halal at itinalagang opisyal ng pamahalaan, ang inyong matalinong pamumuno, taimtim na paglilingkod at matapat na paggugol sa kabang-bayan ang magpapalaya sa maraming mamamayang alipin ng kahirapan at kawalang-pag-asa sa buhay. At sa ating lahat, ang ating tunay at wagas na pag-ibig at pagmamahal sa Inang-bayan ang ganap na magpapalaya sa ating bansa mula sa mga kinakaharap nating krisis at paghihirap sa kasalukuyan.

Kapag sabay-sabay at sama-sama natin itong maisasagawa, ang ating bansa ay tunay ngang magiging "perlas ng silanganan, duyan ng magiting at tahanan ng mga bayani." Isang bansang ganap na malaya at tunay na maunlad ang maipamamana natin sa mga susunod na salinlahi. At sa muling pagbubukas ng klase sa darating na panahon, hindi na larawan ng mga katulad nina Mark Herras, Jennilyn Mercado at Richard Gutierrez ang mabubungaran sa notebook ng mga mag-aaral. Mga larawan na ng mga bayaning ganap na nagpalaya at nagpaunlad sa bayan ang kanilang matutunghayan---ang larawan ni teacher, larawan ni konsehal, larawan ni mayor, larawan ng beterano, larawan ng senior citizen, larawan ng peace and order volunteer, larawan ni SPO1, larawan ko rin marahil, at larawan nating lahat na mga makabagong bayaning ganap na nagpalaya at nagpaunlad sa Pilipinas nating mahal.

MABUHAY ANG KALAYAAN! MABUHAY ANG PILIPINAS! ISANG MAPAGPALAYANG UMAGA PO SA INYONG LAHAT.

Baldomero P. Bejosano
Hunyo 12, 2008
Nagcarlan, Laguna

Thursday, July 3, 2008

A JOLLY GOOD FELLOW


This article written by Sampaguita '98 was published in PaetenianInternational, Sept.-October 1998 issue. It is about BALDOMERO CAGUIN PAELMO of Paete, Laguna, my grandfather whom we fondly call Lolo Merong.

I regret having known him late in life for a short time. But I shared wonderful memories of this man and his family in Grove, College, Laguna.

I was surprised then that my folks in Paete knew him well. I had never seen him before. He was a native Paetenian but his family moved to Los Banos. It was a blessing when some of us took agriculture courses at UPLB. His house was a home away from home when I decided to stay with them. No wonder, three of the first women agriculturists of Paete stayed in his house as boarders.

I admired his patience with children and student boarders particularly during those sleepless exam time before prelim, mid-term and finals at UPCA. I wonder why sleep is so sweet and inviting during exam time that no amount of "wake up" beverage could keep us awake. And there he was, staying up late, just to wake us up anytime as requested.

His old fashion humor was always delightful. There was a time when some "tao po, binata po" from Paete came to visit his female boarders. He was the first to welcome and interview the visitors. On one occasion, when young men from Nagcarlan and Sta. Cruz came to visit, he jokingly said, "Bilisan ninyo at baka maunahan kayo ng mga taga-Paete."

His balding head with few silver hairs betrayed his age but his stocky built reminded me of a strong, healthy man during his younger years as an abaca farmer in Dalig, Papatahan and Kasantanaan. Wearing his thick eyeglasses, he often sat in the veranda playing solitaire, talking with people or just baby-sitting his many grandchildren. I learned later that he was once a town Mayor of Los Banos. He used to sit by the train station just to see some kababayans on their way to Manila.

It is said that one time, as he was doing his rounds with a peace officer, he spotted his boyhood friend and kababayan, the late Valentin Afurong aboard the train. So, he immediately planned to surprise him. He ordered his officer to arrest him and detain him in his office. He then appeared later in his office and immediately, Valentin Afurong realized the practical joke. The mayor just wanted to see his friend and share some "usap-Paete" with him.

Blessed with a big and caring family, most of his children are professionals. His relatives usually stay with him and his family, ever helpful and caring to all. He was a true Paetenian and a jolly good fellow.

Amang Merong spent his last days and died in Paete in his old age. I dedicate this line to him, to Baldomero Caguin Paelmo.

I leave the world, in passing, left no stones unturned.
Have done my best, the very best to make the world a better plan.
Not much chest of gold, nor treasures are the things I left behind...
but chains of golden memories and descendants of a noble man.